Translate

Saturday, November 30, 2013

Ututin na Boyfriend

     Binibisita ng boyfriend ang kanyang girlfriend. Kumain sila at umupo sa salas. Marami ang nakain ng bf at kailangan niyang maglabas ng masamang hangin. Ngunit nahihiya siya sa gf niya. Pinigil ng bf ang pag-utot, pero hindi niya na ito nakaya.

PPOOOOOTTTTT!!!!!


      Huminto ang bf sa paggalaw. Hiyang0-hiya siya at pulang pula ang mukha. Tiningnan niya ang gf niya. Walang reaksyon ang gf, pero biglang tinawag ang aso na nasa ilalim ng upuan ng bf.


"Rex, umalis ka nga dyan!"

 
      Pero walang kilos ang aso. Nakahinga ng maluwag ang bf at inisip - 


"Hay salamat, akala niya yung aso ang umutot!"
 
      Nag-chat sila, ngunit nakaraan ang ilang sandali ay napapa-utot muli ang bf dahil talagang ang dami niyang kinain. Hindi niya ulit ito napigilan.


PPPOOOOOOTTTTT!!!!

 
      Kinabahan ulit ang bf at namula. Muling sinabi ng gf,  


"Rex, ano ka ba? Umalis ka dyan sabi eh!"
 
      Wala paring kibo ang aso. 


"Hay salamat sa aso," isip ng bf, "Akala niya ulit yung aso ang umutot."
 
      Nag-chat ulit sila, pero napapa-utot ulit ang bf at hindi niya ito napigilan.


PPPPOOOOOOOOTTTTTTTT!!!!!!

 
      Tumayo ang gf,


 "Rex! Umalis ka dyan baka mataihan ka!!!!"

Babala: Huwag Maging Madamot!

Juan: Oys, ano yan? Pinya? Pahingi naman dyan. 

Pedro: Pahingi? Nasaan ka noong nagbubungkal ako ng lupa sa ilalim ng init ng araw? Nasaan ka noong nagtatanim ako habang kumukulog, kumikidlat at bumubuhos ang malakas na ulan? Nasaan ka noong oras na nag-aani ako na nagkalat ang maraming ahas sa dadaanan ko, noong naghihirap ako sa pagpasan ng pinya? Nasaan ka? 

Juan: Nakakulong kasi ako noon! Nakapatay ako ng madamot! 

Pedro: Ganun ba? 

Juan: Kuha ka na, kahit ilan! May langka pa doon!

Friday, July 5, 2013

Hay, Sipnayan! Bakit ka ganyan?

     Sipnayan, Matematika, Numero. Sa wikang ingles, Mathematics. Maraming mag-aaral ang may ayaw sa asignaturang ito. Bakit? Simple lang, mahirap. Iniisip nila na hindi naman ito magagamit sa mga aplikasyon sa buhay. Pero bakit hindi nila ito subukang mahalin? Ang sipnayan ay hindi nangangailangan ng kahit anong memorisasyon. Pagsasanay lamang. Sabi nga ng iba, logic lang. 

 "Sh*t. Ayoko na. Ang hirap talaga ng Math. Ano ba gamit nito sa buhay?"

     Mahirap? Oo. Mahirap ang sipnayan. Kadalasan, dito bumabagsak ang mga mag-aaral kasi nga, mahirap daw. Pero kung iisipin mong mahirap ito habambuhay, pano mo ito matututunan? Kung iisipin mong hindi mo kaya malagpasan ang sipnayan, pano ka na lang gaganahan mag-aral? Kung iisipin mo na wala naman itong gamit sa buhay, teka teka, pag-isipin mong mabuti. Tandaan, hindi isasama ang sipnayan sa mga kurikulum ng paaralan kung alam nilang wala itong gamit sa buhay. Tama po ba?
 
"Nakakabobo yung test. Wala naman sa tinuro."

     Hey kiddo, 'wag nating asahan na lahat ng lalabas sa pagsusulit ay itinuro ng lubusan ng ating mga guro. Ang sipnayan ay kadalasang nangangailangan ng masusing pag-iisip. Maaaring hindi nga ito itinuro ng direkta ng inyong guro sa inyo, pero kung pag-iisipan mo na mabuti ang tanong na nasa pagsusulit niyo, makikita mo na mai-aapply mo pa rin ang mga itinuro sa inyo ng inyong guro. Hindi lahat ibibigay sa inyo sa madaling paraan. Minsan, kailangan din paghirapan ang mga bagay-bagay para makamit natin ito.

"Bakit ba ayaw akong mahalin ng math?"

     Ang sipnayan, parang pagmamahal lang 'yan. Nangangailangan ito ng sobra-sobrang paghihirap at effort para makuha mo ito. Hindi sa dahil gusto mo yung math sapagkat nag-eenjoy ka sa pagka-"challenging" nito, ay makakakuha ka na ng mataas na marka rito. Tandaan, kailangan mo magbuhos ng maraming oras para pagsanayan ang mga problema ng sipnayan.


"Nag-aral naman ako pero bakit hindi pa rin mataas score ko?"

     Tulad ng sinabi ko kanina, ang sipnayan ay nangangailangan ng maraming oras ng pagsasanay. Maaaring nag-aral ka nga pero kulang pa rin ang ibinuhos mong oras para pag-aralan ito. Math, parang nasa isang relasyon lang 'yan. Demanding.

     Maaaring mahal mo nga ang sipnayan, pero siya na mismo ang ayaw sa'yo. Magbuhos ka lamang ng sobra-sobrang effort para maintindihan ang bawat konsepto nito. Isipin mo na kaya mong lagpasan 'yun. Kung nalagpasan ng iba ang sipnayan, malamang sa malamang ay kaya mo rin ito!

     Maaari namang ayaw mo talaga rito. Kung ayaw mo ng sipnayan, ay malamang sa malamang ayaw niya rin sa'yo. Pero bakit hindi mo ito subukang mahalin? Wala namang mawawala kung mamahalin mo ang sipnayan. Sa totoo lang, lalo ka pang magiging isang mas magaling na tao kung mamahalin mo ito. Subukan mong mahalin ito at baka sakaling makuha mo.  

     Sipnayan. Matematika. Numero. Para lamang silang tanikala na kung hindi mo kakalasin ay patuloy kang maghihirap at hindi na lamang uusad. Oo nga't, mahirap ang sipnayan. Pero wala namang madali sa pag-aaral. Isa lamang ang sipnayan sa mga mahihirap na bagay sa pag-aaral. Bakit hindi mo subukang pagtuunan ng pansin ang asignaturang ito? Malay mo, makuha't mahalin mo siya.
 

Thursday, May 30, 2013

Pagpili ng Kurso sa Kolehiyo

     Pasukan na naman. Marami sa inyo lalung-lalo na ang mga nasa ikatlo at ika-apat na taon ng hayskul ay nahihirapan sa kanilang pagpili ng kursong kukunin pagdating sa kolehiyo. Ilang buwan na lamang ay maglalabasan na naman ang mga application forms sa mga prestihiyosong mga unibersidad sa Pilipinas tulad ng UP at Ateneo. Ang mga kursong ilalagay mo sa mga forms na ito ay hindi biro. Hindi biro sapagkat ito ang magsasabi sa'yo kung sino ka at ano ka pagkatapos mo ng kolehiyo.

     Ikaw na bumabasa nito na nasa hayskul, paano nga ba pumili ng kurso?

     Unang una, isipin mong mabuti kung ano ang interest mo. Yung mga hilig mo. Yung mga bagay na kayang-kaya mong lagpasan kahit gaano pa ito kahirap. Yung kahit anong ipagawa sa iyo ay paniguradong gagawin mo at hindi ka tatamarin. Mahalaga ito sapagkat, ito ang pagtutuunan mo ng pansin pagdating mo ng kolehiyo.

     Ikalawa, tanungin mo ang sarili mo, kung ano ba talaga ang gusto mo pagtanda mo. Kung gusto mo maging doktor, kumuha ka ng medisina. Kung gusto mo ng math, kumuha ka ng kursong math. Kung hilig mo ang cosmetics at curious ka sa mga bagay-bagay tulad ng kemikal, kumuha ka ng chemistry. Ikaw, kung gusto mong nakaupo ka lang paglaki at kumikita, kumuha ka ng kursong tingin mo ay magdadala sa'yo roon. 

     Ikatlo, malamang ito ang mga malalaking bagay na nakaka-apekto sa pagpili mo ng kurso - magulang, kamag-anak, at kaibigan. Marahil ay naguguluhan ka kung ano ba talaga ang kukunin mo, ang kursong gusto ng mga magulang o ng mga kamag-anak mo o ang kursong gusto mo. Tandaan mo lang kapatid, na ikaw ang mag-aaral sa kolehiyo at hindi ang mga magulang at kamag-anak mo. Ikaw ang maghihirap at hindi sila. Ikaw ang magpupuyat sa paggawa ng iyong thesis at hindi sila. Andyan lamang sila upang sumoporta sa'yo. SUPORTA lamang. Hindi kailanman sila mag-aaral at magpupuyat. Kung iniisip mo naman ang mga kaibigan mo, na mapapalayo ka sa kanila. Eto lamang ang mapapayo ko: Ang kinabukasan mo ay nakatuon sa'yo, hindi sa ibang tao. Hindi sa mga kaibigan mo. Hindi ibig sabihin na kapag kumuha ka ng kursong hindi katulad ng kinuha ng mga kaibigan mo, ay hindi mo na sila makikita. Hindi mo na sila makakasama. Hindi totoo iyan. Kahit gaano pa ka-busy ang kolehiyo, magkakaroon pa rin kayo ng oras para magsama-sama. Isantabi mo muna ang mga kaibigan mo sa pagpili ng iyong kurso. Mas isipin mo ang kinabukasan mo.

     Kapatid, kung gusto mong maging matagumpay ang buhay mo, sundin mo ang puso mo. Sundin mo kung ano talaga ang gusto mo. 'Wag kang paapekto sa mga taong nasa paligid mo. Tandaan mo lamang, na hindi sila ang mag-aaral. IKAW. Ikaw ang mag-aaral at ikaw ang maghihirap.

Monday, May 20, 2013

Saradong Libro

      Bukas na libro. Open book. Kailanma'y hindi naging ganito ang buhay ko. Hindi ako mahilig mamahagi ng kung ano man na konektado sa aking sarili. Sabi nga nila, ako ay isang babaeng punung-puno ng sikreto. Mysterious girl, sabi ng iba. 

      Ngunit, hindi naging madali ang pagiging ganitong klaseng tao ko. Sabi nung iba, mahirap daw na maraming nakakaalam ng tungkol sa buhay mo. Yung tipong bawat pahina ng libro mo ay alam ng maraming tao dahil pag-uusapan ka raw dito, dyan. Chismis nga raw. Pero para sakin, mas pipiliin ko pang malaman ng tao kung ano ang meron sa buhay ko at kung paano ako makisama talaga sa tao. Kung kailan ako seryoso at kung kailan hindi. Kung kailan ako sincere at kung kailan hindi. Kung kailan ako affected at kung kailan hindi. Kung kailan ako depressed at kung kailan hindi. Dahil mahirap na hindi alam ng mga taong pinakikisamahan mo kung sino ka talaga. Kahit sabihin mong seryoso ka, may mga mag-iisip pa rin ng joke time lang. Kahit sabihin mong sincere ka, may mga mag-iisip pa rin na loko-loko lang. Kahit sabihin mong affected ka, may mga magsasabi pa rin na parang hindi naman, balewala lang. Kahit sabihin mong depressed, may mga hindi pa rin maniniwala. Dahil alam nila, hindi ako ganung tao. Yung taong seryoso. Yung taong madalas affected kahit hindi ipinapakita sa harap ng maraming tao. Mahirap yung ganito. 

      Kaya kung katulad kita na ganitong tao, mali ata tayo ng naging desisyon, na gawing saradong libro ang buhay natin. Darating ang araw, mapagtatanto natin na sana hindi pala tayo naging ganto. Sana ipinapakita talaga natin na seryoso talaga tayo sa mga bagay-bagay. Na sincere talaga tayo sa mga gawain. Na affected talaga tayo sa mga nangyayari. Na depressed talaga tayo. Hindi yung chill ka sa labas pero deep inside, iba pala talaga yung nararamdaman mo. Dahil darating yung araw na kapag sinabi mong seryoso, sincere, affected o depressed ka, hindi sila maniniwala. Mababalewala lang kasi alam nila hindi ka ganung tao. Alam nila parang wala ka lang pakialam sa mga bagay-bagay. At alam nila hindi ka affected sa mga nangyayari sa buhay mo. Kahit deep inside, sobrang iniisip mo yung mga hindi magandang pangyayari sa'yo at kung paano mo maaayos 'yun.

Wednesday, May 1, 2013

Eleksyon sa Pinas

      Ayan na naman ang halalan. Iba’t ibang mukha na naman ang ating makikita na nakapaskil sa mga pader na may kanilang mga pangalan at posisyon. Iba’t ibang palabas ng mga kandidato sa mga telebisyon ang ating matutuklasan. At iba’t ibang paraan ng pangangampanya ang ating mararanasan.

      Ngunit sa kabila ng mga iba’t ibang paraan ng pangangampanya, nasa isip pa ba ng tao ang mga kandidatong karapat-dapat na mamuno sa ating bansa? Ang mga kandidatong hindi iniisip ang kanilang sariling kapakanan? Ang mga kandidatong isinasang-alang-alang ang kapakanan ng kanyang nasasakupan? At ang mga kandidatong hindi iniisip ang sinasabi nilang “political dynasty”?

      Ano nga ba ang “political dynasty”? Ito ang pagpasok ng higit sa isang miyembro ng pamilya sa pulitika. Ayon sa mga tagapagsuri sa larangan ng pulitika, ang halalan ngayon ay punung-puno ng mga magkakapamilya at magkakamag-anak, sa kabila ng probisyon sa Saligang Batas na nagbabawal sa political dynasty. Ngunit sabi naman ng mga senador na nakaluklok sa ating pamahalaan, hindi pa naririnig ang nakahaing panukala sa kamara ukol dito.

      Bilang botante ng bansang Pilipinas, anu-ano nga ba ang mga dapat mong isaalang-alan sa pagboto ng mga luluklok sa ating pamahalaan? Sino ang dapat mong iboto? Maraming nagsasabi, “Bakit pa boboto? Pare-pareho naman ang mga kandidato. Mangangako pero mapapako. Wala nang pag-asa.” Pero hindi totoong wala nang pag-asa. Meron kung makikialam ka. Meron, kung maninindigan ka at magiging instrumento ng pagbabago. May pag-asa kung gagamitin mo ang iyong boto sa mabuting paraan at hindi sa basta-basta lamang.

      Huwag tayong magpadala sa sinasabi ng iba na 'walang mangyayari'. Paano na lamang kung ganun tayo lahat mag-isip? Wala talagang mangyayari. Ang bawat boto niyo ay makapangyarihan. Mababago nito ang isang bansa. Isipin mo na lang kung 70 milyong botong may paninindigan ang magsasama-sama, ayos na ang Pilipinas. Pero bakit hanggang ngayo’y hindi naaayos ng mabuti ang Pilipinas? Uso ang pagbabayad ng mga botante. Ang mga ganitong kandidato ay hindi dapat iboto. Ikaw ay isang Pilipinong kakaiba at responsable na hindi nagbebenta ng boto. Ang iyong boto ay obligasyon at hindi ito “pakiki-uso.” Hindi lang ito pagrerehistro, pagpila sa voting centers, at indelible ink sa daliri. Ang boto mo ay boses mo.

      Suriing mabuti ang kanilang mga plataporma, at ang kanilang mga talaan. Pag-aralan kung talaga bang binibigyan nila ng halaga ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino. Matuto kayong sumuri ng mabuti at iboto ang karapat-dapat na mamuno sa ating bansa. May pag-asa ang Pilipinas.  

Tuesday, April 30, 2013

Rizal Park

Flagpole sa Rizal Park



ALAM MO BA...
      kung paano sinusukat ang lahat ng distansiya mula Manila?

      Ito ay nagsisimula sa flagpole na makikita sa Rizal Park. Doon nagsisimula ang 0 kilometer.

Pang-Uri sa Pag-Ibig

      Gusto ko sa isang lalaki, magaling sa Math, magaling magbasketball, magaling sa Arts, marunong ng kahit anong instrumento ng musika maliban sa gitara, simple, masipag, sweet, tapat at higit sa lahat may takot sa Diyos.

      Lahat na ng magagandang pang-uri sinabi mo na upang sagutin lamang ang katanungang, "Ano ang Ideal Guy/Girl mo?" Tuwing ikaw ay iibig, hahanapin mo pa ba ang mga katangiang ito? Paano kung tumibok 'yang puso mo sa isang taong kabaliktaran ng mga katangiang hinahanap mo? Mapipigilan mo pa ba ito?

      Para sa akin, ang pag-ibig ay ang pagkatuto nating mahalin ang taong ating nakilala. Hindi ito pagmamahal ng taong gusto natin. Tulad nga ng sinabi ko, mapipigilan mo pa ba ang pagtibok ng puso mo sa taong kabaliktaran ng taong hinahanap mo? Kahit ano pang magagandang pang-uri 'yang sabihin mo sa Ideal Guy/Girl mo, kung tumibok naman 'yang puso mo sa isang taong hindi mo inakalang mamahalin mo dahil kabaliktaran nga ito ng mga pang-uri ng sinabi mo, ay wala rin. Pano kung nangyari sa'yo 'to? Makikipaghiwalay ka ba? Choosy mo 'te. Makikipaghiwalay ka lang dahil sa hindi siya yung Ideal Guy/Girl mo. Pano kung totoong mahal ka nung taong 'yun? Pababayaan mo lang? Sa panahon ngayon, mahirap ng humanap ng taong nagmamahal ng totoo. Dahil karamihan sa mga kabataan ngayon, ginagawa na lamang biro ang pagpasok sa isang relasyon. Tama ba?

      Pag-ibig? Napaka-unpredictabe nyan. Hindi mo alam kung kailan darating. Hindi mo alam na baka yung nakasalubong mo sa daan ay yung taong makakatuluyan mo balang araw. Hindi mo alam na baka yung hindi mo kasundong tao, e yung nakatadhana sa'yo. Hindi mo alam na baka yung taong kabaliktaran mo, e yung makakasama mo sa habang buhay. At hindi mo alam na baka yung taong niloko ka nang unang beses, ay siyang magiging tatay/nanay ng mga magiging anak mo. Tulad nga ng sinabi ko, napaka-unpredictable ng pag-ibig. 

      Aaminin ko na yung mga pang-uri na nakalagay sa unang talata, ay ang Ideal Guy ko. Pero hindi ako naniniwala na makakahanap ako ng ganung tao dahil hindi naman natin alam kung kailan at kung kanino titibok 'to <3. Swerte mo kung may taong nagmamahal sa'yo na pipiliting abutin yung Ideal Guy mo. Effort lang niya. Sobra.

      Swerte mo kung makakakita ka ng taong hinahanap mo. Pero hindi ibig sabihin nun, ay kayo na nga hanggang dulo. Pag-ibig, maraming patibong 'yan. Ingat-ingat din. 

Nadapa ka na ba?

      Naalala mo pa ba yung huling pagkakataon na nagkaroon ka ng isang mabigat na problema? O 'di kaya'y napahiya ka? O kaya nama'y naramdaman mo ang pagbagsak ng buo mong pagkatao?

      Karamihan sa atin, ayaw ng alalahanin pa ang mga pangyayaring iyon. Marahil ay ayaw na nilang balikan pa ang mga pangyayaring tila sumira sa kanila o 'di kaya'y nagpababa sa kanilang dignidad. Pero hindi mo ba naisip na ang mga problemang hinarap, hinaharap at haharapin mo at makakapagpabago ng iyong pagkatao?

      Nadapa ka. Bumagsak ka. Nagka-problema ka. Napahiya ka. 'Wag mo lang  itong hahayaang maapektuhan ka. Bumangon ka naman! 'Wag mong hahayaang nandyan ka na lang sa ibaba habang buhay. Minsan masarap din ang pakiramdam kapag ika'y nasa taas. Ang mga problemang dumarating sa atin ay huhubog sa ating pagkatao. Ito ang susubok sa atin kung gaano tayo katatag. Gawin mo ang mga itong inspirasyon o daan para ika'y maging isang taong matagumpay. Hindi lang naman ito basta-basta ibibigay ng Diyos kung alam niyang hindi mo ito kakayanin. Magtiwala ka naman sa sarili mo kahit minsan. At bandang huli, ikaw din naman ang makikinabang. Promise 'yan. 

      Parang sa paaralan lang naman 'yan e. Halimbawa'y may pag-uulat kayo sa klase. Ikaw na ang nag-uulat pero kabado ka. Wala kang tiwala sa sarili mo. Nasa isip mo na hindi mo kaya. Kaya nama'y mababa ang nakuha mong marka at napagsabihan at nasermonan ka ng guro mo sa harap ng buong klase. Sabi niya'y sa susunod, 'wag kang ganito ganyan. Dapat ganto ka, ganyan. Medyo nakakahiya di ba? Sa harap pa ng buong klase pa. Nasermonan ka pa. Pero isipin mo na lang na kaya ka niya sinermonan at pinagsabihan para sa susunod alam mo na ang gagawin mo. Mas gaganda na ang pag-uulat mo. Mas magtitiwala ka na sa sarili mo. Hindi ka na kakabahan. Hindi naman sasabihin sa'yo ng guro mo 'yun kung alam niyang hindi iyon makakatulong sa'yo, 'di ba? Tama ba?

      Nadapa ka. Bumagsak ka. Napahiya ka. Babangon ka ba?


Buhay Hayskul

      Naranasan mo na ba ang pagiging isang mag-aaral sa hayskul? Kung hindi pa, 'wag mo ng basahin ang blog na ito. Hindi ka makaka-relate. :D 

      Masaya ang pagiging isang hayskul student, 'di ba? Dito nabubuo ang tropa. Dito nabubuo ang kakaibang pagsasamahan. At kadalasan nga'y, dito tayo natututong umibig.

      Lahat tayo ay masasabing kakaiba ang buhay hayskul. Kapag tinanong mo ang isang mag-aaral sa kolehiyo ng "Ano ang pinakamasayang parte ng buhay mo?", malamang sa malamang, buhay hayskul ang isasagot nyan. Dadagdag pa 'yan na, "Sana hayskul student na lang ulit ako." O di ba? Tanungin mo ang mga pumapasok sa mga opisina, buhay hayskul din ang kanilang isasagot. Ang mga magulang mo, buhay hayskul din. Ikaw, tanungin mo 'yang sarili mo, ano nga ba ang pinakamasayang parte sa buhay mo? Buhay hayskul din ba?

      Buhay Hayskul - ito ang parte ng ating buhay na kung saan ay talagang ma-eenjoy natin. Apat na taon din ito ah! Ito ang mga pahina sa ating libro na may pinakamarami at pinakamasasayang pangyayari na panigurado ay hindi natin malilimutan. Ito ang ilan lamang sa kanila:

1. Nandyan yung pagsulyap mo kay crush. Yung tipong lalabas kayo ng room tapos ppwesto ka dun sa harap ng building niyo para lang makita si crush.

2. Nandyan yung paghingi mo ng one whole, crosswise, lengthwise, one-fourth, short bond, long bond, oslo, graphing paper at colored paper sa iyong mga kaklaseng masipag mamili ng mga ito. Minsan nga'y tinatawag niyo siyang "school supply" o 'di kaya'y "national bookstore."

3. Nandyan yung panghihiram mo ng mga gunting, glue at ruler sa mga kaklase niyong masipag magbitbit. Minsan nga pati ballpen hinihiram mo na rin na kadalasa'y hindi mo na naibabalik. 

4. Nandyan yung paghiram ng suklay ng mga kababaihan. O 'di kaya'y paghingi ng pulbo. Minsan nga t-shirt na hinihiram e. 

5. Nandyan yung jamming sa loob ng classroom. May maggigitara, magbebeatbox at halos kalahati ng klase ang kakanta. 

6. Nandyan yung sharing kapag wala si teacher. Uupo pa kayo sa sahig tapos share share ng problem, kalokohan o kaya nama'y LOVE LIFE. 

7. Nandyan yung galaan tuwing maaga ang uwian.

8. Nandyan yung pagtambay sa Mcdo o kahit saang fast food na malapit sa iyong paaralan.

9. Nandyan yung pagpapaalam mo sa iyong mga magulang na may project sa school o kaya'y practice ng ganito't ganyan, pero gagala ka lang pala. 

10. Nandyan yung pagdodota ng mga kalalakihan tuwing pagkatapos ng klase. 

11. Nandyan yung tawanang malakas na naririnig hanggang sa kabilang kwarto o 'di kaya'y sa second floor.

12. Nandyan yung pakikipagkwentuhan mo sa mga inyong gurong malapit sa iyo tuwing walang ginagawa sa klase o free time.

13. Mawawala ba yung panggagaya niyo sa mga teachers niyo? Isa ka ba dun? Syempre, isa ito sa mga nagdudulot ng kasiyahan sa klase.

14. Nandyan yung panghihiram ng notes at notebook sa kaklase niyong masipag magsulat tuwing discussion.

15. Nandyan yung movie marathon sa bahay ng kaklaseng maraming DVDs na tinatago. May kasama pang pagkain 'yan. 

16. Nandyan yung camping na kung saan ay ayaw niyong matulog at gusto niyo lamang na tumambay sa labas at magkwentuhan o kaya jamming. 

17. Nandyan yung mga program na nakakainip at hindi na pinapakinggan. 

18. Nandyan yung magpapaalam kang mag-CR pero diretso canteen ka pala talaga para kumain dahil nakakaantok magturo si Sir/Ma'am. 

19. Nandyan yung mga kahilingan mong sana mahaba yung speech ni principal tuwing flag ceremony para makain yung oras at mawalan kayo ng unang klase na kadalasa'y may pagsusulit. Pero kapag MAPEH ang unang subject, naiinis ka dahil hindi kayo makakapaglaro ng matagal. 

20. Nandyan yung mga play na kung saan todo effort kayo sa paggawa ng mga props. Painting painting pa yung iba. Pero enjoy naman. Dito kadalasan nagbobonding yung buong klase. 

21. Nandyan yung paghiling na sana wala si Sir/Ma'am.

22. Nandyan yung isang kaklase mong sisilip sa labas o kaya'y ppwesto sa pintuan at dahan-dahang sisilip para tingnan kung paparating na ba si Sir/Ma'am. 

23. Nandyan yung pagtulog mo klase dahil puyat ka kakagawa ng homework, kaka-computer o sadyang nakakaantok lang talaga magturo si teacher. 

24. Nandyan yung unang pagtibok ng puso mo, unang pag-iyak mo dahil sa pag-ibig at una mong kabiguan. 

25. Nandyan yung isang kaklase mong source ng lahat ng sagot sa homework.

26. Nandyan yung TEAMWORK sa exam. Mawawala ba 'to?

      Naluha ka ba? Kung oo, namiss mo 'to no? Nangiti ka? Kabilang ka sa mga gumagawa nyan no? Tinamaan ka ata. 'Yan lamang ay ilan sa mga pangyayari na naganap sa ating buhay hayskul. Malilimutan mo ba ang mga ito?

      Buhay Hayskul - ito ang kadalasang nakkwento natin sa ating mga anak o magiging anak. Isang parte ng ating buhay na masarap balik-balikan. Isang parte na kung saan mas nakilala natin ang ating mga sarili.

      Ikaw, ano ang buhay hayskul mo?