Ngunit sa kabila ng mga iba’t ibang paraan ng pangangampanya,
nasa isip pa ba ng tao ang mga kandidatong karapat-dapat na mamuno sa ating
bansa? Ang mga kandidatong hindi iniisip ang kanilang sariling kapakanan? Ang mga
kandidatong isinasang-alang-alang ang kapakanan ng kanyang nasasakupan? At ang
mga kandidatong hindi iniisip ang sinasabi nilang “political dynasty”?
Ano nga ba ang “political dynasty”? Ito ang pagpasok ng higit
sa isang miyembro ng pamilya sa pulitika. Ayon sa mga tagapagsuri sa larangan
ng pulitika, ang halalan ngayon ay punung-puno ng mga magkakapamilya at
magkakamag-anak, sa kabila ng probisyon sa Saligang Batas na nagbabawal sa
political dynasty. Ngunit sabi naman ng mga senador na nakaluklok sa ating
pamahalaan, hindi pa naririnig ang nakahaing panukala sa kamara ukol dito.
Bilang botante ng bansang Pilipinas, anu-ano nga ba ang mga
dapat mong isaalang-alan sa pagboto ng mga luluklok sa ating pamahalaan? Sino
ang dapat mong iboto? Maraming nagsasabi, “Bakit pa boboto? Pare-pareho naman
ang mga kandidato. Mangangako pero mapapako. Wala nang pag-asa.” Pero hindi
totoong wala nang pag-asa. Meron kung makikialam ka. Meron, kung maninindigan
ka at magiging instrumento ng pagbabago. May pag-asa kung gagamitin mo ang
iyong boto sa mabuting paraan at hindi sa basta-basta lamang.
Huwag tayong magpadala sa sinasabi ng iba na 'walang
mangyayari'. Paano na lamang kung ganun tayo lahat mag-isip? Wala talagang
mangyayari. Ang bawat boto niyo ay makapangyarihan. Mababago nito ang isang
bansa. Isipin mo na lang kung 70 milyong botong may paninindigan ang magsasama-sama,
ayos na ang Pilipinas. Pero bakit hanggang ngayo’y hindi naaayos ng mabuti ang
Pilipinas? Uso ang pagbabayad ng mga botante. Ang mga ganitong kandidato ay
hindi dapat iboto. Ikaw ay isang Pilipinong kakaiba at responsable na hindi
nagbebenta ng boto. Ang iyong boto ay obligasyon at hindi ito “pakiki-uso.”
Hindi lang ito pagrerehistro, pagpila sa voting centers, at indelible ink sa
daliri. Ang boto mo ay boses mo.
Suriing mabuti ang kanilang mga plataporma, at ang kanilang
mga talaan. Pag-aralan kung talaga bang binibigyan nila ng halaga ang kapakanan
ng mga mamamayang Pilipino. Matuto kayong sumuri ng mabuti at iboto ang
karapat-dapat na mamuno sa ating bansa. May pag-asa ang Pilipinas.
No comments:
Post a Comment