Karamihan sa atin, ayaw ng alalahanin pa ang mga pangyayaring iyon. Marahil ay ayaw na nilang balikan pa ang mga pangyayaring tila sumira sa kanila o 'di kaya'y nagpababa sa kanilang dignidad. Pero hindi mo ba naisip na ang mga problemang hinarap, hinaharap at haharapin mo at makakapagpabago ng iyong pagkatao?
Nadapa ka. Bumagsak ka. Nagka-problema ka. Napahiya ka. 'Wag mo lang itong hahayaang maapektuhan ka. Bumangon ka naman! 'Wag mong hahayaang nandyan ka na lang sa ibaba habang buhay. Minsan masarap din ang pakiramdam kapag ika'y nasa taas. Ang mga problemang dumarating sa atin ay huhubog sa ating pagkatao. Ito ang susubok sa atin kung gaano tayo katatag. Gawin mo ang mga itong inspirasyon o daan para ika'y maging isang taong matagumpay. Hindi lang naman ito basta-basta ibibigay ng Diyos kung alam niyang hindi mo ito kakayanin. Magtiwala ka naman sa sarili mo kahit minsan. At bandang huli, ikaw din naman ang makikinabang. Promise 'yan.
Parang sa paaralan lang naman 'yan e. Halimbawa'y may pag-uulat kayo sa klase. Ikaw na ang nag-uulat pero kabado ka. Wala kang tiwala sa sarili mo. Nasa isip mo na hindi mo kaya. Kaya nama'y mababa ang nakuha mong marka at napagsabihan at nasermonan ka ng guro mo sa harap ng buong klase. Sabi niya'y sa susunod, 'wag kang ganito ganyan. Dapat ganto ka, ganyan. Medyo nakakahiya di ba? Sa harap pa ng buong klase pa. Nasermonan ka pa. Pero isipin mo na lang na kaya ka niya sinermonan at pinagsabihan para sa susunod alam mo na ang gagawin mo. Mas gaganda na ang pag-uulat mo. Mas magtitiwala ka na sa sarili mo. Hindi ka na kakabahan. Hindi naman sasabihin sa'yo ng guro mo 'yun kung alam niyang hindi iyon makakatulong sa'yo, 'di ba? Tama ba?
Nadapa ka. Bumagsak ka. Napahiya ka. Babangon ka ba?
No comments:
Post a Comment