Translate

Thursday, May 30, 2013

Pagpili ng Kurso sa Kolehiyo

     Pasukan na naman. Marami sa inyo lalung-lalo na ang mga nasa ikatlo at ika-apat na taon ng hayskul ay nahihirapan sa kanilang pagpili ng kursong kukunin pagdating sa kolehiyo. Ilang buwan na lamang ay maglalabasan na naman ang mga application forms sa mga prestihiyosong mga unibersidad sa Pilipinas tulad ng UP at Ateneo. Ang mga kursong ilalagay mo sa mga forms na ito ay hindi biro. Hindi biro sapagkat ito ang magsasabi sa'yo kung sino ka at ano ka pagkatapos mo ng kolehiyo.

     Ikaw na bumabasa nito na nasa hayskul, paano nga ba pumili ng kurso?

     Unang una, isipin mong mabuti kung ano ang interest mo. Yung mga hilig mo. Yung mga bagay na kayang-kaya mong lagpasan kahit gaano pa ito kahirap. Yung kahit anong ipagawa sa iyo ay paniguradong gagawin mo at hindi ka tatamarin. Mahalaga ito sapagkat, ito ang pagtutuunan mo ng pansin pagdating mo ng kolehiyo.

     Ikalawa, tanungin mo ang sarili mo, kung ano ba talaga ang gusto mo pagtanda mo. Kung gusto mo maging doktor, kumuha ka ng medisina. Kung gusto mo ng math, kumuha ka ng kursong math. Kung hilig mo ang cosmetics at curious ka sa mga bagay-bagay tulad ng kemikal, kumuha ka ng chemistry. Ikaw, kung gusto mong nakaupo ka lang paglaki at kumikita, kumuha ka ng kursong tingin mo ay magdadala sa'yo roon. 

     Ikatlo, malamang ito ang mga malalaking bagay na nakaka-apekto sa pagpili mo ng kurso - magulang, kamag-anak, at kaibigan. Marahil ay naguguluhan ka kung ano ba talaga ang kukunin mo, ang kursong gusto ng mga magulang o ng mga kamag-anak mo o ang kursong gusto mo. Tandaan mo lang kapatid, na ikaw ang mag-aaral sa kolehiyo at hindi ang mga magulang at kamag-anak mo. Ikaw ang maghihirap at hindi sila. Ikaw ang magpupuyat sa paggawa ng iyong thesis at hindi sila. Andyan lamang sila upang sumoporta sa'yo. SUPORTA lamang. Hindi kailanman sila mag-aaral at magpupuyat. Kung iniisip mo naman ang mga kaibigan mo, na mapapalayo ka sa kanila. Eto lamang ang mapapayo ko: Ang kinabukasan mo ay nakatuon sa'yo, hindi sa ibang tao. Hindi sa mga kaibigan mo. Hindi ibig sabihin na kapag kumuha ka ng kursong hindi katulad ng kinuha ng mga kaibigan mo, ay hindi mo na sila makikita. Hindi mo na sila makakasama. Hindi totoo iyan. Kahit gaano pa ka-busy ang kolehiyo, magkakaroon pa rin kayo ng oras para magsama-sama. Isantabi mo muna ang mga kaibigan mo sa pagpili ng iyong kurso. Mas isipin mo ang kinabukasan mo.

     Kapatid, kung gusto mong maging matagumpay ang buhay mo, sundin mo ang puso mo. Sundin mo kung ano talaga ang gusto mo. 'Wag kang paapekto sa mga taong nasa paligid mo. Tandaan mo lamang, na hindi sila ang mag-aaral. IKAW. Ikaw ang mag-aaral at ikaw ang maghihirap.

Monday, May 20, 2013

Saradong Libro

      Bukas na libro. Open book. Kailanma'y hindi naging ganito ang buhay ko. Hindi ako mahilig mamahagi ng kung ano man na konektado sa aking sarili. Sabi nga nila, ako ay isang babaeng punung-puno ng sikreto. Mysterious girl, sabi ng iba. 

      Ngunit, hindi naging madali ang pagiging ganitong klaseng tao ko. Sabi nung iba, mahirap daw na maraming nakakaalam ng tungkol sa buhay mo. Yung tipong bawat pahina ng libro mo ay alam ng maraming tao dahil pag-uusapan ka raw dito, dyan. Chismis nga raw. Pero para sakin, mas pipiliin ko pang malaman ng tao kung ano ang meron sa buhay ko at kung paano ako makisama talaga sa tao. Kung kailan ako seryoso at kung kailan hindi. Kung kailan ako sincere at kung kailan hindi. Kung kailan ako affected at kung kailan hindi. Kung kailan ako depressed at kung kailan hindi. Dahil mahirap na hindi alam ng mga taong pinakikisamahan mo kung sino ka talaga. Kahit sabihin mong seryoso ka, may mga mag-iisip pa rin ng joke time lang. Kahit sabihin mong sincere ka, may mga mag-iisip pa rin na loko-loko lang. Kahit sabihin mong affected ka, may mga magsasabi pa rin na parang hindi naman, balewala lang. Kahit sabihin mong depressed, may mga hindi pa rin maniniwala. Dahil alam nila, hindi ako ganung tao. Yung taong seryoso. Yung taong madalas affected kahit hindi ipinapakita sa harap ng maraming tao. Mahirap yung ganito. 

      Kaya kung katulad kita na ganitong tao, mali ata tayo ng naging desisyon, na gawing saradong libro ang buhay natin. Darating ang araw, mapagtatanto natin na sana hindi pala tayo naging ganto. Sana ipinapakita talaga natin na seryoso talaga tayo sa mga bagay-bagay. Na sincere talaga tayo sa mga gawain. Na affected talaga tayo sa mga nangyayari. Na depressed talaga tayo. Hindi yung chill ka sa labas pero deep inside, iba pala talaga yung nararamdaman mo. Dahil darating yung araw na kapag sinabi mong seryoso, sincere, affected o depressed ka, hindi sila maniniwala. Mababalewala lang kasi alam nila hindi ka ganung tao. Alam nila parang wala ka lang pakialam sa mga bagay-bagay. At alam nila hindi ka affected sa mga nangyayari sa buhay mo. Kahit deep inside, sobrang iniisip mo yung mga hindi magandang pangyayari sa'yo at kung paano mo maaayos 'yun.

Wednesday, May 1, 2013

Eleksyon sa Pinas

      Ayan na naman ang halalan. Iba’t ibang mukha na naman ang ating makikita na nakapaskil sa mga pader na may kanilang mga pangalan at posisyon. Iba’t ibang palabas ng mga kandidato sa mga telebisyon ang ating matutuklasan. At iba’t ibang paraan ng pangangampanya ang ating mararanasan.

      Ngunit sa kabila ng mga iba’t ibang paraan ng pangangampanya, nasa isip pa ba ng tao ang mga kandidatong karapat-dapat na mamuno sa ating bansa? Ang mga kandidatong hindi iniisip ang kanilang sariling kapakanan? Ang mga kandidatong isinasang-alang-alang ang kapakanan ng kanyang nasasakupan? At ang mga kandidatong hindi iniisip ang sinasabi nilang “political dynasty”?

      Ano nga ba ang “political dynasty”? Ito ang pagpasok ng higit sa isang miyembro ng pamilya sa pulitika. Ayon sa mga tagapagsuri sa larangan ng pulitika, ang halalan ngayon ay punung-puno ng mga magkakapamilya at magkakamag-anak, sa kabila ng probisyon sa Saligang Batas na nagbabawal sa political dynasty. Ngunit sabi naman ng mga senador na nakaluklok sa ating pamahalaan, hindi pa naririnig ang nakahaing panukala sa kamara ukol dito.

      Bilang botante ng bansang Pilipinas, anu-ano nga ba ang mga dapat mong isaalang-alan sa pagboto ng mga luluklok sa ating pamahalaan? Sino ang dapat mong iboto? Maraming nagsasabi, “Bakit pa boboto? Pare-pareho naman ang mga kandidato. Mangangako pero mapapako. Wala nang pag-asa.” Pero hindi totoong wala nang pag-asa. Meron kung makikialam ka. Meron, kung maninindigan ka at magiging instrumento ng pagbabago. May pag-asa kung gagamitin mo ang iyong boto sa mabuting paraan at hindi sa basta-basta lamang.

      Huwag tayong magpadala sa sinasabi ng iba na 'walang mangyayari'. Paano na lamang kung ganun tayo lahat mag-isip? Wala talagang mangyayari. Ang bawat boto niyo ay makapangyarihan. Mababago nito ang isang bansa. Isipin mo na lang kung 70 milyong botong may paninindigan ang magsasama-sama, ayos na ang Pilipinas. Pero bakit hanggang ngayo’y hindi naaayos ng mabuti ang Pilipinas? Uso ang pagbabayad ng mga botante. Ang mga ganitong kandidato ay hindi dapat iboto. Ikaw ay isang Pilipinong kakaiba at responsable na hindi nagbebenta ng boto. Ang iyong boto ay obligasyon at hindi ito “pakiki-uso.” Hindi lang ito pagrerehistro, pagpila sa voting centers, at indelible ink sa daliri. Ang boto mo ay boses mo.

      Suriing mabuti ang kanilang mga plataporma, at ang kanilang mga talaan. Pag-aralan kung talaga bang binibigyan nila ng halaga ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino. Matuto kayong sumuri ng mabuti at iboto ang karapat-dapat na mamuno sa ating bansa. May pag-asa ang Pilipinas.