Translate

Friday, July 5, 2013

Hay, Sipnayan! Bakit ka ganyan?

     Sipnayan, Matematika, Numero. Sa wikang ingles, Mathematics. Maraming mag-aaral ang may ayaw sa asignaturang ito. Bakit? Simple lang, mahirap. Iniisip nila na hindi naman ito magagamit sa mga aplikasyon sa buhay. Pero bakit hindi nila ito subukang mahalin? Ang sipnayan ay hindi nangangailangan ng kahit anong memorisasyon. Pagsasanay lamang. Sabi nga ng iba, logic lang. 

 "Sh*t. Ayoko na. Ang hirap talaga ng Math. Ano ba gamit nito sa buhay?"

     Mahirap? Oo. Mahirap ang sipnayan. Kadalasan, dito bumabagsak ang mga mag-aaral kasi nga, mahirap daw. Pero kung iisipin mong mahirap ito habambuhay, pano mo ito matututunan? Kung iisipin mong hindi mo kaya malagpasan ang sipnayan, pano ka na lang gaganahan mag-aral? Kung iisipin mo na wala naman itong gamit sa buhay, teka teka, pag-isipin mong mabuti. Tandaan, hindi isasama ang sipnayan sa mga kurikulum ng paaralan kung alam nilang wala itong gamit sa buhay. Tama po ba?
 
"Nakakabobo yung test. Wala naman sa tinuro."

     Hey kiddo, 'wag nating asahan na lahat ng lalabas sa pagsusulit ay itinuro ng lubusan ng ating mga guro. Ang sipnayan ay kadalasang nangangailangan ng masusing pag-iisip. Maaaring hindi nga ito itinuro ng direkta ng inyong guro sa inyo, pero kung pag-iisipan mo na mabuti ang tanong na nasa pagsusulit niyo, makikita mo na mai-aapply mo pa rin ang mga itinuro sa inyo ng inyong guro. Hindi lahat ibibigay sa inyo sa madaling paraan. Minsan, kailangan din paghirapan ang mga bagay-bagay para makamit natin ito.

"Bakit ba ayaw akong mahalin ng math?"

     Ang sipnayan, parang pagmamahal lang 'yan. Nangangailangan ito ng sobra-sobrang paghihirap at effort para makuha mo ito. Hindi sa dahil gusto mo yung math sapagkat nag-eenjoy ka sa pagka-"challenging" nito, ay makakakuha ka na ng mataas na marka rito. Tandaan, kailangan mo magbuhos ng maraming oras para pagsanayan ang mga problema ng sipnayan.


"Nag-aral naman ako pero bakit hindi pa rin mataas score ko?"

     Tulad ng sinabi ko kanina, ang sipnayan ay nangangailangan ng maraming oras ng pagsasanay. Maaaring nag-aral ka nga pero kulang pa rin ang ibinuhos mong oras para pag-aralan ito. Math, parang nasa isang relasyon lang 'yan. Demanding.

     Maaaring mahal mo nga ang sipnayan, pero siya na mismo ang ayaw sa'yo. Magbuhos ka lamang ng sobra-sobrang effort para maintindihan ang bawat konsepto nito. Isipin mo na kaya mong lagpasan 'yun. Kung nalagpasan ng iba ang sipnayan, malamang sa malamang ay kaya mo rin ito!

     Maaari namang ayaw mo talaga rito. Kung ayaw mo ng sipnayan, ay malamang sa malamang ayaw niya rin sa'yo. Pero bakit hindi mo ito subukang mahalin? Wala namang mawawala kung mamahalin mo ang sipnayan. Sa totoo lang, lalo ka pang magiging isang mas magaling na tao kung mamahalin mo ito. Subukan mong mahalin ito at baka sakaling makuha mo.  

     Sipnayan. Matematika. Numero. Para lamang silang tanikala na kung hindi mo kakalasin ay patuloy kang maghihirap at hindi na lamang uusad. Oo nga't, mahirap ang sipnayan. Pero wala namang madali sa pag-aaral. Isa lamang ang sipnayan sa mga mahihirap na bagay sa pag-aaral. Bakit hindi mo subukang pagtuunan ng pansin ang asignaturang ito? Malay mo, makuha't mahalin mo siya.